(Eagle News) — Isa sa dinarayong lugar ngayon sa lalawigan ng Bohol ang Habitat Butterflies Conservation Center.
Matatagpuan ito sa munisipalidad ng Bilar, kung saan ito ang itinuturing na kanlungan o sanctuary ng may halos dalawandaang species ng paru-paro at mariposa at naglalayong paramihin pa ang populasyon nito sa lugar.
Sa tulong ng tour guide, ipinaliwanag niya ang kaibahan ng paru-paru sa moth o mariposa.
Sa butterfly sanctuary ipinakita rin kung anu-ano ang kinakain ng mga caterpillar, kung ilang linggo bago sila maging pupa hanggang sa maging magandang paru-paro.
At alam ba niyo na halos tatlong linggo lamang ang buhay ng paru-paro?
Kaya naman mahalaga sila sa pollination, pero may ilang uri naman ang nagsisilbing peste sa mga pananim at puno.
Hindi rin kumakain ng kulisap ang mga paru-paro, kundi ang caterpillar ang laging kumakain ng bahagi ng halaman.
Kaya naman ang mga matatandang paru-paro at mariposa ay umiinom lamang ng tubig para mapanatili ang kanilang balanse at enerhiya.
Sinisipsip nito ang flower nectar pero may iba ring kumukuha ng fluid o likido mula sa nabubulok na halaman, katas ng bulaklak mula sa puno o maging sa mga dumi ng mga hayop.
Nagtatago rin sa mga halaman ang mga paru-paro kapag umuulan.
Kaya naman ang sanctuary, may iba’t ibang klase ng mga halaman na itinanim para sa kanila. Gaya ng pandan na may malabay na mga dahon at ugat maging ang mga halamang namumulaklak.
Sa naturang sanctuary, nasa 70 percent ang survival rate ng mga paru-paro sa tulong na rin ng 30 by 30 foot na net na may iba’t-ibang klase ng mga namumulaklak na halaman at tubig.
(Eagle News Service Lee Canlas Salvador)