Hakbang na ginawa ni former DOTC Sec. Roxas sa MRT 3, nais malaman ng Senado

(Eagle News) — Nais malaman ni Senadora Grace Poe ang mga ginawang hakbang ni dating Transportation and Communications Secretary Mar Roxas para maayos ang problema sa Metro Rail Transit.

Ipinagtataka ni Poe na pinuno ng Senate committee on public transport kung bakit hindi man lang nagawan ng paraan na masuri ang contract extension sa Sumitumo Corporation na siyang dating maintenance provider ng MRT.

Sa halip aniya na palawigin ang kontrata sa Sumitumo Corporation, sa kumpanyang PH Trams napunta ang maintenance provider contract.

Mula 2011 hanggang 2012 nagsilbi si Roxas bilang kalihim ng DOTC.

Walang sisihan

Payo ng senadora kay Roxas, simulan na ang pagre-review ukol sa naturang isyu.

Posibleng maipatawag si Roxas sa pagdinig ng komite sa pagbabalik sesyon ng Senado sa Hulyo.

Pagkakataon aniya na maipaliwanag ni Roxas ang kanyang panig sa kabila ng akusasyon na may anomalya sa pinasok na kontrata ng mga nagdaang pamunuan sa DOTC.

Agad namang kumabig ang senadora na hindi layon ng kanyang imbestigasyon na sisihin ang mga dating opisyal ng ahensya.

Ito’y bagamat una na nitong sinabi na nagsimula ang mga problema sa MRT sa panahon ni Roxas.

Nabunyag sa nakaraang senate hearing na hindi inaksyunan ni Roxas ang kontrata ng Sumitomo batay sa mga sulat na ipinadala ni dating MRT general manager Al Vitangcol.

Inamin din ni dating DOTC secretary Joseph Emilio Abaya na hindi niya alam ang background ng PH Trams bago man lang nito malagdaan ang kontrata na ibinigay sa pamamagitan ng emergency procurement.

Roxas, wala pang reaksyon

 Sinisikap pa ng Eagle News na makuha ang panig ni Roxas.

Maliban kay Roxas…subject rin ng imbestigasyon si Marlo Dela Cruz na hindi sumipot sa unang pagdinig.

Si Dela Cruz ang sinasabing incorporator sa tatlong kumpanya na may mga kontrata sa MRT 3.

(Eagle News Service Jerold Tagbo)

https://youtu.be/TKVyPTW8uzc