Ni Ferdinand Libor
Eagle News Correspondent
PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Tinatayang aabot sa dalawang milyong piso ang halaga ng pinsala matapos bahain ang limang bayan sa Zamboanga del Sur dahil sa nararanasang mga pag-ulan.
Ayon kay Engr. Francisco Maca, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, apektado ng baha ang bayan ng Tambulig, Mahayag, Dumingag, Molave at Dinas na sakop ng nasabing probinsya.
Pinakamatinding napinsala ang mga palaisdaan sa lugar na aabot sa isang milyong piso ang halaga, katumbas ito ng pitumpu’t limang ektaryang palaisdaan. Habang aabot rin sa isang daang magsasaka ang apektado ng baha matapos bahain ang halos pitumpung ektaryang palayan, na aabot sa kalahating milyon piso naman ang tinatayang pinsala.
Apektado rin ng mga pag-ulan ang mahigit sa limangdaang seaweed planters kung saan aabot naman sa kalahating milyon ang tinatayang pinsala rito.
Samantala, ayon kay Maca, nakahanda naman ang kanilang mga kagamitan na pang-rescue kung sakaling magtuloy-tuloy pa itong mga pag-ulan na possibleng magdala ng mga pagbaha at landslide sa probinsya. (Eagle News Service)
https://www.youtube.com/watch?v=8wJtsXKkNCs