Halos 1,000 tambay, arestado ng QCPD sa ilalim ng Oplan Galugad

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Sa loob lamang ng halos tatlong araw na pagpapatupad ng panghuhuli ng mga tambay sa atas ng Pangulong Rodrigo Duterte. Aabot na sa halos isanlibo katao ang mga nahuli ng Quezon City Police District sa kanilang pinaigting na Oplan Galugad sa lungsod.

Ayon sa otoridad, malaki ang maitutulong ng nasabing kampanya sa pagpapababa ng krimen sa lipunan.

At dahil sa pagpapatupad ng disiplina ay maiiwasan ng mga kabataan ang masamang barkada na kadalasan raw ay nahuhulog sa pagsisimula sa masamang bisyo.

Sa mga feedback sa mga social media ay marami na umanong nagsusumbong at nagrerequest ng Oplan Galugad sa kanilang lugar.

Pag-aresto sa tambay, nakasaad sa batas – QCPD Chief

Paglilinaw naman ni QCPD PSSupt. Joselito Teodoro Esquivel na walang nalalabag sa karapatang pantao sa pag-aresto sa mga tambay dahil nakasaad naman daw ito sa batas, kaya maaaring iposas ng mga otoridad ang sinumang maaresto.

Kaya payo ng pulisya, makipag-cooperate na lamang sa mga pulis ang mga naaktuhang nag-iinom o mga nakatambay.

Pagtitiyak naman ni Esquivel na hindi nila itotolerate ang mga mag-aabusong tauhan ng pulisya at bukas ang kanilang tangapan para sa mga reklamo. (Gerald Ranez)

Related Post

This website uses cookies.