(Eagle News)– Kasabay ng Brigada Eskwela, nanawagan ang ilang mga magulang at guro sa alkade ng Maynila na si Joseph Estrada na tulungan silang aksyunan ang mabagal na paggawa sa Gregorio Perfecto High School (GPHS), sa Tondo, Maynila.
Ang nasabing eskwelahan na may 40 silid aralan ay sinimulang kumpunihin noon pang Agosto 4, 2014 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos.
Ayon sa school administrator na si Edwin Santos, dalawang beses na raw nasunog at ipinagbawal gamitin ang mataas na paaralan.
“Dalawang beses kasing na-condemn at nasunog yung building kaya ang findings ng City Engineering, hindi na ito pwedeng okupahan dahil mapanganib na,” pahayag ni Santos.
Noong nakaraang taon, nasa 1,045 lamang na mga estudyante ang nagpatala sa GPHS at pansamantala muna silang nakigamit ng mga silid sa M. Hizon Elementary School (MHES).
“Kaya lumipat kami sa M. Hizon Elementary Schoo at doon ay nagsiksikan kami. Inokupa na namin yung 20 classrooms at shifting ang klase, ‘yung grade 7 at grade 9 ay sa umaga, grade 8 at grade 10 naman sa hapon,” dagdag pa ni Santos.
“Umaangal na rin ang mga magulang dahil hindi raw accessible ang M. Hizon Elementary School sa mga bata, at ang sinasakyan nila ay pedicab kung saan ang pinakamababang pamasahe ay bente pesos,” pagpapatuloy pa niya.
Inaasahan naman ng mga guro na lalo pang bababa ang bilang ng mga estudyanteng magsisipasok sa GPHS ngayong taon.
“Kawawa naman po ‘yung mga magulang at mga bata na malalayo ang lugar kaya sana po kung maaari lang ay magawa na yung eskwelahan. Iyon lang po ang hiling namin, sana po bigyang pansin ito,” pahayag ni Ginang Rufina Rocabo, Officer-in-Charge sa PTA ng paaralan.
“At least ‘yung mga malalapit sa eskwelahan ay hindi na kailangang mag transfer, para kahit papano ay magamit na ang school namin at magkaroon na kami ng mga estudyante kasi halos maglilimang taon na itong ginagawa,” dagdag pa ni Rocabo.
Bukod sa mabagal na paggawa sa mga gusali, reklamo rin ng mga magulang ang talamak na krimen sa paligid ng eskwelahan lalo na sa gabi.
Ayon sa isang magulang, nakakabahala raw ang mga holdapers at snatchers na nag-aabang sa labas ng eskwelahan sa tuwing mag-uuwian na ang kanilang mga anak sa gabi.
Ito naman ay pinatotohanan ni Santos.
“Kung minsan nga meron pang mga hinoholdap na bata sa gabi, delikado talaga. Kaya ‘yung iba ay lumilipat nalang ng school kung saan mas malapit at mas safe,” giit ng school administrator.
Kaya naman mas pinaigting pa ng mga mga magulang at guro ang kanilang panawagan sa lokal na pamahalaan na madaliin na ang pagsasaayos sa sirang eskwelahan.
“Mayor Erap, kami po ang Gregorio Perfecto High School Batch 1978 na nananawagan po sa inyo para humingi ng tulong sa agarang pagpapalabas ng budget para isaayos ang aming eskwelahan para ito ay magamit na ng mga kabataan,” pakiusap ni Ginang Aida Galangco, tagapanguna ng Alumni Association ng GPHS.
(Jodi Bustos, Eagle News Service with a report from Viczarso Gonzales, EBC Correspondent- Manila)
(Photos courtesy Viczarso Gonzales, EBC Correspondent- Manila)