AGOSTO 17 (Agila Probinsya) — Ang lokal na pamahalaang bayan ng Mariveles, Bataan sa pangunguna ni Mayor Jesse Concepcion at ng Municipal Health Officer ay sumusuporta sa proyekto ng Department of Health na Hi-5 o High Impact 5 na binubuo ng maternal care, infant care, child care, HIV/Aids at Service Delivery Network.
Bahagi nito ay tinipon ang lahat ng buntis sa labing walong barangay na nasasakupan ng bayan ng Mariveles, upang isagawa ang selebrasyon para sa mga buntis. Nagkaroon ng blood typing, photo booth at nagsagawa rin ng lecture para sa karagdagang kaalaman ng mga buntis upang maiwasan ang high risk pregnancy upang laging maging normal ang medical condition.
Layunin ng ganitong aktibidad na maipaabot sa lahat ng nagdadalang tao na sinisikap ng munisipyo ng Mariveles na mamonitor ang panganganak ng mga buntis at matiyak na hindi mauuwi sa pagkamatay ng sanggol o ng ina ng bata.
(Agila Probinsya Correspondent Larry Biscocho)