Hinihinalang carnapper arestado sa Quezon City

(Eagle News) — Laking pasalamat ng isang car rental owner nang maibalik ang kanyang ipinarentang sasakyan matapos na ito ay macarnap.

Hunyo 19 ng maifinal ang deal sa may-ari ng sasakyang si Joy, (hindi niya tunay na pangalan) sa kliyente nito na siya ring suspek.

Kumpleto sa papeles ang kanilang naging transaksyon hanggang sa pinapirma nya ito ng car rental agreement. Matapos ito ay maayos na naisara ang transaksyon.

Ayon sa biktimang si Joy, lumagpas na aniya sa pinag-usapang araw at oras sa pagrerenta ng sasakyan ang suspek. Hanggang sa lumipas pa muli ang araw kung saan nakipag-negotiate pa ang suspect para sa additional na bayad ng renta sa inarkila nitong sasakyan sa kanya.

Noong una ay tumutupad naman aniya ito sa usapan at nagbibigay pa ng karagdagang bayad sa renta ng sasakyan matapos nitong magextend.

Pero sa pang sampung araw ng pagrerenta sana nito ng sasakyan, hindi na daw ito sumasagot sa kanyang tawag o kahit anong komunikasyon.

Sa huli, dito na naghinala si Joy nang kanilang madiskubre na wala palang nakatirang Renato Sanchez sa ibinigay nitong address.

Pero nitong Sabado, mismong siya ang nakakita ng kanyang sasakyan habang bumabaybay sila sa Quezon City kasama ang kanyang kaibigan.

Sa video na kuha mula sa isang cellphone, makikita ang ginawa nilang paghabol sa sasakyan hanggang sa magpaikut-ikot ito sa iba’t-ibang kalye sa Quezon City. Tila maaksyong habulan naman ang makikita sa video.

Nang magkaroon ng pagkakataon na maharang ang kotse kaagad silang bumaba para komprontahin ang driver na bumaba at umalis sa sasakyan.

Naaresto ng mga operatiba ng QCPD Station 10 si Bryan Malto ang lalaking nakita sa video na nagmamaneho ng sasakyan.

Tumanggi namang magpa interview ang suspect pero giit naman ng driver isinangla lamang sa kanya ang sasakyan at hindi nya alam na galing pala ito sa carnap.

Nakatakda namang makasuhan ang suspect ng carnapping at kapag napatunayan na ito ay nandaya ng papel falsification of documents naman ang nakaabang sa suspek.

Kasalukuyan ng at large ang iba pang mga suspect na sina Renato Chavez at David Gabriel na sinasabing magkasabwat sa pagrerenta ng sasakyan.

Ayon sa QCPD Station 10 posibleng miyembro ang suspek ng isang sindikato na nambibiktima sa pamamagitan ng pagrerenta ng sasakyan at isasangla naman ito sa iba kapag narentahan na.

Paulit-ulit na paalala ng mga otoridad sa publiko na huwag agad magtitiwala sa mga taong nakikilala lalo na sa hanap-buhay at siguraduhin din na nasa ligtas at maayos na kamay ang inyong mga sasakyan. (Earlo Bringas)

https://youtu.be/gf3w8IHAIDE