(Eagle News) — Binulabog ng sunod-sunod na pagsabog ang provincial headquarters ng Philippine National Police sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Senior Superintendent Agustin Tello, pinasabugan ng limang rounds ng M203 grenade launcher ng hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang naturang punong himpilan ngunit lumagpas ito at tumama sa kabahayan ng sibilyan.
Sugatan naman sa nangyaring pagsabog ang 70 taong gulang na lalaki nakilalang si Bualan Munib matapos tamaan ng shrapnel sa mukha.
Nasa ligtas nang kalagayan ngayon ang sugatang sibilyan habang patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang mga bandidong responsable sa naturang pag-atake.