PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Isang hinihinalang vintage naval ordnance ang nakumpiska ng Explosive Ordnance Division (EOD) sa isang abandonadong bahay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Martes, Pebrero 20.
Ayon kay PSupt. Benito Recopuerto, hepe ng PNP-Pagadian, ang nasabing bomba na narekober mula sa bahay sa Brgy. Tiguma, bandang 2:30 ng hapon, ay ginamit ng Naval Forces noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Aniya, kaya nitong wasakin ang isang malaking barko at kung sumabog naman sa lupa ay kaya nitong sirain ang isang buong barangay.
Nasa mahigit 100 kilo umano ang bigat ng nasabing naval ordnance, na may taas na 81 centimetro at 23 centimetro naman ang diametro nito.
Dagdag ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagtatago ng mga explosive device.
Aniya, pwede makasuhan ang sinumang magtatago ng ganitong pampasabog.
Nakatakda aniyang isailalim sa x-ray ang nasabing ordnance para malaman kung aktibo ang nasabing bomba.
Patuloy naman na inaalam ngayon ng pulisya ang nagmamay-ari nito. Ferdinand C. Libor, Jr.