Inaasahang magagamit na sa susunod na buwan ang hotline na magsisilbing sumbungan ng bayan laban sa mga tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, isinasapinal na nila ang mga kaukulang hakbang para magamit ang Hotline 8888 at 911 bilang National Emergency Response Center.
Sa pamamagitan ng Hotline 8888, maipaparating kay Pangulong Duterte ang mga sumbong ng mga mamamayan para sa mabilis na pag-aksyon ng gobyerno.
Bukod sa mga tiwaling gawain ng mga taga-gobyerno, maaari ding i-ulat ang mga nakabinbing proyekto o mga problemang kailangan ng agarang solusyon.