Housing units para sa biktima ng bagyong Yolanda, 44% pa lamang ang natatapos – Sen. Ejercito

(Eagle News) — Limang taon matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Leyte, umaabot pa lang sa mahigit 40 percent ang mga housing units na natatapos ng gobyerno para sa mga biktima ng kalamidad.

Katunayan, sa pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning Housing and Resettlement na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito, lumilitaw na sa 205,000 housing units ang target ng gobyerno para sa mga biktima ng Yolanda, ngunit 90,000 pa lang sa mga ito ang natatapos o katumbas ng 44 percent.

Pero sa 90,000 units, 32,000 pa lang sa mga ito ang okupado.

Ayon kay Ejercito, nangangahulugan ito na libu-libo pa rin ang nakatira at nagtitiis sa mga temporary shelters at tent na itinayo para sa mga biktima ng super typhoon.

Bukod sa Yolanda victims, may housing projects din na ipinagagawa ang gobyerno para sa mga biktima ng Bagyong Sendong noong 2011 at Zamboanga siege noong 2013 pero gaya ng sa Yolanda halos 40 percent pa lang ang natatapos sa mga ito.

Nais ng Senado na malaman ang dahilan kung bakit napakabagal ng trabaho ng National Housing Authority at iba pang ahensya ng gobyerno gayong pinaglalaanan ito ng pondo ng Kongreso taun-taon.