Human Rights violation ng mga pulis, mas mababa

By Mar Gabriel
Eagle News Service

56 human rights violation ng mga pulis, naitala

(Eagle News) — Umabot na sa limampu’t-anim (56) na kaso ng paglabag sa karapatang pantao laban sa mga pulis ang naitala ng Philippine National Police Human Rights Affairs Office (PNP- HRAO) sa unang tatlong buwan pa lang ng taon.

Sa gitna ito ng muling pagsabak ng PNP sa war on drugs na binabatikos ng ilan dahil umano sa talamak na paglabag sa karapatang pantao.

Kabilang sa mga kaso na naitala ng HRAO ang homicide, arbitrary detention at unlawful arrest.

 

Human rights violation ng mga pulis, mas mababa

Pero ayon kay HRAO Dir. Police Chief Supt. Dennis Siervo, mas mababa pa rin ito sa 105 na kaso na naitala nila noong 2016 at 131 na kaso noong 2015.

Dahil dito, puspusan umano ang pagsasagawa ng HRAO ng lecture sa mga regional office ng PNP sa buong bansa patungkol sa karapatang pantao.

Ito’y upang ipaalala sa mga pulis ang karapatan ng bawat isa at maiwasan na masangkot ang mga ito sa mga kaso ng human rights violation sa harap na rin ng muling pagsabak ng PNP sa war on drugs.

 

Principles of human rights, patuloy na itinuturo sa mga pulis

Inuuna raw ng HRAO ang mga regional office na nakapagtala ng mataas na kaso, gaya ng Region 1 na nakapagtala ng 16 na kaso na sinundan ng Region 7 na may  sampung kaso at siyam na kaso naman ang naitala sa National Capital Region (NCR).

 

Sinasabing “palit-ulo” scheme, wala sa naireport na kaso ng unlawful arrest

Nilinaw naman ni Siervo na wala sa mga naireport na kaso ng unlawful arrest ang “palit-ulo scheme” na inihayag ni Vice  President Leni Robredo kung saan ang kamag-anak daw ng suspek ang dinadampot ng mga pulis kung hindi ito makita.

Karamihan daw sa mga kaso ng unlawful arrest na kanilang naitala ang pag aresto sa suspek walang kaukulang warrant of arrest.