(Eagle News) — Patuloy na hinimok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang gobyernong nakasasakop sa mga nalalabing hostage ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na huwag pagbigyan ang hinihinging ransom ng rebeldeng grupo kapalit ng kalayaan ng kanilang hostages.
Sa kabila ito ng kamakailan lamang na pagpatay sa isa sa mga dayuhang bihag ng ASG.
Matatandaang pinugutan ng ulo ng rebeldeng grupo ang Canadian na si John Ridsdel, isa sa apat na binihag ng ASG sa Samal Island noong Setyembre 2015.
Ayon sa AFP, lalo lamang anilang lalala ang sitwasyon kung pagbibigyan ang hinihinging ransom ng rebeldeng grupo dahil lalakas pa anila ang loob ng ASG na ituloy ang pangingidnap at iba pang terrorist activities.
Samantala, tiniyak naman ng Sandatahang Lakas ng bansa na patuloy pa rin ang kanilang pagtugis sa mga rebelde habang pangunahing concern nila ang kaligtasan ng nalalabing hostages.
Kasama sa mga bihag ng Abu Sayyaf ang Norwegian national na si Kjartan Sekkingstad; ang Canadian tourist na si Robert Hall, at kasama nitong Filipino citizen na si Marites Flor habang iniuugnay din ang bandidong grupo sa pagbihag sa 18 Indonesians at Malaysians habang naglalayag ang mga nabanggit sa Sulu waters kamakailan lamang.