PALAWAN (Eagle News) – Makukulay at kaaya-ayang mga kasuotan mula sa mga bansang Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia at Pilipinas ang makikita ngayon sa Palawan Heritage Center sa Capitol Grounds. Ito ay matapos ilunsad kamakailan ang “BUDAYAW”- An exhibit of Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, Philippines-East Asean Growth Area (BIMP-EAGA) Textiles.
Ayon kay Gng. Mary Rose Caabay, tagapangasiwa ng Palawan Heritage Center, ito ay mga koleksyon ng kasuotan mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pakikipagtulungan ng embahada ng mga bansang Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia at Pilipinas.
Ang Budayaw ay proyekto sa ilalim ng BIMP kung saan matutunghayan ang katutubong kasuotan ng mga bansa sa EAGA. Ito ay upang mapaigting ang bahaginan ng kultura at kasaysayan ng mga bansa sa rehiyong ito.
Ayon naman kay Bb. Adelina M. Suemith, hepe ng Program Monitoring Evaluation Division ng NCCA, ang gawaing ito ay isa sa strategic pillars ng mga bansa sa BIMP. Ito ay nakapaloob sa programa ng Socio-Cultural and Education ng BIMP. Ito ay inilunsad sa Palawan kaalinsabay ng pagpapalakas sa ugnayang panlipunan, kalakalan at turismo sa EAGA.
Ang BUDAYAW ay mula sa mga salitang “budaya,” wikang Indones na ang ibig sabihin ay kultura at “dayaw” wikang Pilipino na nangangahulugang selebrasyon o pagdiriwang. Ang Budayaw ay nangangahulugang “selebrasyon ng kultura.”
Para sa nais bumisita sa nasabing exhibit, bukas ang Palawan Heritage Center mula 8:00 ng umaga hanggang 5:oo ng hapon, Lunes hangang Biyernes. Libreng makakapasok ang lahat ng mga estudyanteng Palaweño mula elementarya hanggang kolehiyo upang masaksihan ang naturang exhibit.
Joel Marquez – EBC Correspondent, Palawan