Iba’t-ibang programa para maingatan ang mga kabataan, inilunsad ng Juvenile Justice Welfare Council

MANILA, Philippines (Eagle News) — Inilunsad ng Juvenile Justice Welfare Council (JJWC) ang iba’t-ibang mga kaparaanan at programa upang mas lalo pang maingatan ang kapakanan gayundin ang karapatan ng mga kabataan.

Sa isinagawang Juvenile Justice and Welfare Consciousness Week dito inilunsad ang iba’t-ibang mga programa katuwang ang ilang mga ahensya ng pamahalaan upang maipatupad ang mga karapatan ng bawat kabataan, gayundin ang tamang pag trato sa mga ito o ang tamang due process kapag nasasangkot ang isang kabataan sa krimen.

Ayon kay Atty. Trcia Claire Oco Executive Director ng JJWC, layon ng kanilang inilulunsad na mga programa na maingatan at maprotektahan ang mga kabataan kapag nasasangkot ito sa anumang gawaing hindi dapat o inaabuso ang mga ito.

LGUs hinihikayat ng JJWC na maglunsad ng mga programa para sa mga kabataan

Hinihikayat ng JJWC ang local government units na magkaroon ng iba’t-ibang mga programa sa kani-kanilang mga bayan o munisipalidad para hindi maligaw ng landas ang mga kabataan.

Nakasaad kasi sa ilalim ng Republic Act No. 9344 or an Act Establishing a Comprehensive Juvenile Justice and Welfare System dapat aniyang maingatan ang mga kabataan sa mga maaaring maging panganib sa kanila na hindi naaayon sa batas.

Sa kasalukuyan ay nagkakaroon pa ng madaming problema ang JJWC katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan lalo na ang Department of Social Welfare Development (DSWD), dahil na rin sa kakulangan ng social workers, mga programa sa komunidad at kakulangan ng mga pasilidad.

DepEd, katuwang din sa paglulunsad ng mga programa

Maglulunsad din ang Department of Education (DepEd) ng mga programa sa mga paaralan upang makatuwang sila na maingatan ang mga kabataan gayundin ay maturuan sila na huwag gumawa ng mga bagay na labag sa batas.

May gumugulong ngayon na isang panukalang batas na dapat aniyang babaan ang edad ng dapat managot kapag ito ay nagkasala sa batas, na mula 18 years old ay gawin itong 15 years.

Pagbaba sa edad ng mga dapat managot sa batas, kinokondena ng JJWC

Kinokondena naman ito ng Juvenile Justice Welfare Council gayundin ang iba pang ahensya na katuwang nila hindi raw aniya ito makatwiran dahil may mga maaaring batas naman na dapat ilunsad para sa mga kabataan na nasasangkot sa mga gawang krimen.

Sa halip aniya na ikulong kaagad ang isang kabataan, dapat aniyang maidaan muna ito sa rehabilitation program at mabigyan ng pangalawang pagkakataon kahit na nagkasala sa batas.

Implementasyon aniya ng batas ang kailangan upang mailayo ang mga kabataan sa mga labag na gawain sa lipunan.

Buwan ng Nobyembre, idineklarang National Children’s Month

Ang buwan ng Nobyembre ay isang children’s month celebration kung kaya’t iba’t-ibang mga aktibidad pa ang ilulunsad ng JJWC katuwang ang iba’t-iba pang ahensya ng pamahalaan para sa mga kabataan upang mamulat sila sa kanilang mga karapatan sa lipunan at kung ano ang dapat nilang gawin na hindi lalabag sa batas.

(Eagle News Service Earlo Bringas)

Related Post

This website uses cookies.