BIÑAN CITY, Laguna (Eagle News) – Sinimulan nang ipatupad ang proyekto na naglalayong makatulong para sa mga drug surrenderee sa mga barangay sa Biñan City, Laguna.
Tumulong ang Iglesia ni Cristo sa recovery program para sa mga drug dependent sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga aral mula sa Biblia na nagbibigay inspirasyon, at paghimok sa drug surrenderees na magbagong buhay.
Ang mga lecture at Bible study sa Brgy. Langkiwa ay pinangunahan ni Bro. Richard Julius Belandres, Ministro ng INC na nakadestino sa lokal ng South City, Laguna.
Positibo naman ang naging pagtanggap ng mga drug surrenderee sa Bible study.
Anila, nagbigay ito sa kanila ng pag-asa na maka-ahon mula sa pagkakasadlak sa paggamit ng bawal na gamot.
Pinangunahan ng Dangerous Drugs Board, ang proyektong ito katuwang ng business sector, nongovernment organizations, at iba pa, bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang iligal na droga sa bansa.
Layunin nito na matulungan at mabigyan ng pag-asa ang mga drug surrenderee sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa emosyonal, physiological, relational at espiritwal na aspeto.
Jackie Palima at Willson Palima – EBC Correspondents , Laguna