(Eagle News) — Kaagad nagpa-abot ng tulong ang Iglesia Ni Cristo sa mga biktima ng malaking sunog sa Parola Compound sa Tondo, Maynila kagabi.
Binuksan ang compound ng gusaling sambahan ng Binondo para ma-accommodate ang maraming kababayan at ilang miyembro ng INC na naapektuhan ng sunog sa Gate 10 ng Parola Compound.
Dumating kaagad sa Lokal ng Binondo ang District Staff ng Metro Manila West at inalam ang kailangang tulong ng mga biktima lalo na ng mga miyembro ng INC.
Maagap ding namahagi ng mga pagkain sa mga biktima kagabi at kaninang madaling-araw.
Tumulong din ang mga miyembro ng SCAN International na nagsagawa ng rescue operation sa mga kabahayang nasunugan.
Bukod sa INC compound sa Parola, nilingap din ng Iglesia Ni Cristo ang ilan sa mga biktimang pansamantalang nanunuluyan sa Delpan Sports Complex.
Ilan naman sa mga residente ang sinikap na isalba kung anuman ang natira.
Kumikilos naman ang lokal na pamahalaan ng Maynila upang maipaabot ang kaukulang tulong sa mga nasunugan.
Bandang alas siyete kaninang umaga (7:00) nang ideklarang fire-out ang sunog sa lugar.