Iglesia Ni Cristo nagsagawa ng Lingap-Pamamahayag sa Cabidianan, Compostela Valley

COMPOSTELLA VALLEY (Eagle News) — Bago ang isinagawang Lingap-Pamamahayag ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa lalawigan ng Compostela Valley ay nagsagawa muna ng pamamahagi ng mga polyeto o babasahing Pasugo na naglalaman ng mga aral sa loob ng INC.

Bata man o matanda ay lumahok sa pag-aabot ng mga polyeto at babasahin ng INC sa bawat taong madaraanan nila. Isinagawa nila ang ganitong pamamahagi bilang paghahanda at upang ipag-anyaya ang gagawing Lingap-Pamamahayag.

Maaga pa lamang ay tulong-tulong na ang mga Maytungkulin sa INC upang isaayos ang covered court sa Cabidianan na pagdadausan ng Lingap-Pamamahayag, habang ang iba naman ay nanundo na ng kanilang mga isasamang bisita upang makinig.

Ang aktibidad ay isinagawa noong Disyembre 24 sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga Salita ng Diyos na pinangunahan ni Kapatid na Truman P. Lumawig, isang Manggagawa sa loob ng Iglesia.

Kitang-kita sa mukha ng mga panauhing dumalo ang pagnananis na ipagpatuloy ang kanilang ginagawang pagsusuri sa loob ng INC.

“Ibang-iba po ang itinuturong aral sa aking nakagisnang relihiyon at sa aral ng Iglesia Ni Cristo. Mas nahihikayat akong makinig pa upang mabigyan ng sagot ang mga tanong ko,” pahayag ng isa sa mga naging bisita.

Pagkatapos ng ginawang pag-aaral ay namahagi naman ang mga maytungkulin sa Society of Communicators and Networkers (SCAN) bilang tulong sa mga naging panauhin ng ‘goodie bags,’ na naglalaman ng mga pangunahing kailangan sa pagkain.

Halos karamihan sa kanilang mga naimbitahan ay nagpasyang ipagpatuloy pa ang kanilang ginagawang pakikinig at pagsusuri sa mga aral ng Iglesia Ni Cristo, na lubos namang pinasasalamatan ng mga kaanib sa INC na nag-anyaya sa kanila.

(Photo courtesy of Brother Truman P. Lumawig)

Related Post

This website uses cookies.