LAOAG CITY (Eagle News) – Nagsimula na ang pagsamba ng Iglesia Ni Cristo sa BJMP Laoag City sa lungsod ng Ilocos Norte nitong katapusan ng buwan ng Abril. Ito ay bunga ng pakikipagkaisa ng mga kaanib sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. Pinangasiwaan ni kapatid na Artemio T. Pilon Jr., Tagapangasiwa ng Distrito ng Ilocos Norte, kasama ang kapatid na Johnny S. Pilon ang kasakuluyang destinado ng lokal ng Laoag City ang isinagawang pagsamba.
Nagpapasalamat ang mga inmates sapagkat mayroon na silang sariling dako kung saan maisasagawa na nila ang tunay na pagsamba at paglilingkod sa Panginoong Diyos. Marami pa sa kanila ang nagpasiya nang sumailalim sa proseso ng pag-anib sa Iglesia Ni Cristo. Ito ay naging isang malaking tulong sa kanila para sila ay patuloy na magabayan at ganap na maisagawa ang pagbabagong buhay.
Nangangako naman ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa Laoag City na patuloy silang mag-aanyaya ng marami pang mga tao para makinig sa mga aral ng Diyos na kanilang sinasampalatayanan. Sa kasalukuyan ay mayroon nang nakatatag na mga pagsamba ang Iglesia Ni Cristo sa lahat ng piitan sa lalawigan ng Ilocos Norte kabilang na dito ang Batac City Jail at Ilocos Norte Provincial Jail.
Shiel Joy Bareng – EBC Correspondent Ilocos Norte