(Eagle News) — Namahagi ng tulong ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa mga residenteng nasunugan sa Brgy. Paliwas, Obando, Bulacan.
Namahagi ng goody bags ang Iglesia Ni Cristo sa nasa mahigit isandaang residenteng nasunugan sa lugar.
Ilan sa ibinahaging tulong ay ang mga pagkain tulad ng bigas at iba pa.
Sama-samang namahagi ng tulong ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo partikular na sa Distrito ng Bulacan.
Nagpapasalamat naman ang maraming nabigyan ng tulong lalo na ang mga residenteng walang naisalbang kagamitan sa bahay at tanging suot na damit lamang nila ang naisalba sa sunog.
Matatandaang Linggo ng gabi (Enero 13) nang sumiklab ang sunog sa lugar kung saan ay aabot sa mahigit isandaang bahay ang natupok na umabot sa ikatlong alarma.
Wala namang napaulat na nasaktan sa nangyaring insidente.
Samantala, tinatayang nasa mahigit isandaang goodybags naman at tulong ang naipamahagi ng INC sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng sunog sa lugar. (Eagle News Service Earlo Bringas)