Sa patuloy na pakikipagkaisa ng mga kapatid natin sa Cairo GWS sa bansang Egypt-Distrito ng Africa sa mga aktibidad na inilulunsad ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan ay hindi nila alintana ang mga panganib na kanilang nararanasan.
Ayon sa mga kapatid, noong magkaroon ng rebolusyon noong January 2011 hanggang February 2012 ay lalong sumigla ang mga kapatid sa pagsamba. Kahit binabawalan sila ng kanilang pinagtatrabahuhan, maging ng mga awtoridad na lumabas ng bahay ay hindi napahadlang ang mga kapatid sa pagdalo sa pagsamba. Kamakailan lamang noong December 11, 2016 ay nagkaroon ng bombing sa St. Peter at St. Paul’s Church sa Cairo. Umabot sa 26 ang namatay at 50 ang nasugatan.
Ayon sa mga kapatid, walang makapipigil sa kanila sa kanilang pagsamba. Bagama’t wala silang tuwirang Ministro ay patuloy silang nakikipagkaisa sa gawaing pagpapalaganap. Mayroon silang mga pinadodoktrinahan at mayroon ding mga sinusubok at inihahanda sa Bautismo. Naisasagawa nila ang pagdodoktrina gamit ang makabagong teknolohiya at gawaing pagmimisyon sa pamamamagitan ng Pasugo, polyeto at mga programa sa INC TV at INCmedia.
Ang pangako ng ating mga kapatid ay anuman ang kanilang maranasan, mga pagsubok man o kaguluhan sa kapaligiran ay patuloy pa rin sila sa masiglang paglilingkod sa ating Panginoong Diyos at ganap silang makikipagkaisa sa lahat ng proyekto ng Pamamahala.
Contributor: Antoniette V. Batulan / EBC Cairo, Egypt