MANILA, Philippines (Eagle News) — Mas lalo pang pinaghahandaan ngayon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang nakatakda nilang paghahain ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Ang pahayag ay inilabas ni Atty. Ferdinand Topacio matapos magisa si Atty. Larry Gadon sa pagharap nito sa House Justice Committee noong Miyerkules, Nobyembre 22, kaugnay sa impeachment complaint na inihain nito laban kay Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Topacio nagsilbing leksyon sa kanila ang mga naging kakulangan raw ni Atty. Gadon sa pagpresenta ng mga certified true copy ng mga dokumento at pagkakaroon ng personal knowledge.
Ganoon pa man kampante si Topacio dahil kumpleto umano sila sa mga dokumento at ebidensya. Tiniyak din aniya nito na may personal knowledge sa isasampang kaso dahil mismong ang VACC ay naging biktima ng mabagal na aksyon ng Ombudsman.
Bukas naman raw silang makipag tulungan kay Gadon para mabigyan nila ng mga dokumentong kinakailangan.
Inaasahan na sa susunod na linggo ay maisasampa na sa Secretary General ang kanilang impeachment complaint laban kay Carpio-Morales.
(Eagle News Service Gerald Rañez)