MANILA, Philippines (Eagle News) – Iimbestigahan at parurusahan ng pamunuan ng Pambansang Pulisya o ng Philippine National Police ang sinumang alagad ng batas na masusumpungang lumabag sa Rules of Engagement. Ito ang tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa kaniyang mensahe sa isinagawang Senate investigation kaugnay ng mga balita sa extrajudicial killings sa bansa.
Una nang binigyang-diin ni Dela Rosa sa mga pulis na nagsagawa ng police operations lalo na sa iligal na droga na ang pangunahing prayoridad nila ay arestuhin ang mga suspek. Pero kung manlalaban ang mga suspek ay maaring gumamit ng death force ang mga pulis upang maipagtanggol ang kanilang sarili.
Sinabi rin ni Dela Rosa na ang kaniyang posisyon kontra sa extrajudicial killing ay matatag at hindi niya kukunsintihin ang mga vigilante killings.
Una ring sinabi ng PNP Chief na may ilalabas na scientific evidence ang PNP para patunayan na ang mga nagaganap na patayan sa labas ng lehitimong police operations ay gawa-gawa na rin ng mismong mga sindikato ng droga.
Courtesy: Jet Hilario