Ika-27 Anibersaryo ng Lokal ng Cabidianan, ipinagdiwang!

 

Sama-samang ipinagdiwang ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng Cabidianan, Distrito ng Compostella Valley ang pagsapit ng kanilang Lokal sa Ika-27 taong anibersaryo nito.
Sama-samang ipinagdiwang ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng Cabidianan, Distrito ng Compostella Valley ang pagsapit ng kanilang Lokal sa Ika-27 taong anibersaryo nito.

 

CABIDIANAN, Compostela Valley (Eagle News) — Walang mapagsidlan ng tuwa at kagalakan ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng Cabidianan, Distrito ng Compostela Valley sa pagsapit ng kanilang lokal sa Ika- 27 taong anibersaryo nito noong Nobyembre 23, araw ng Miyerkules.

Ipinagdiwang nila ang nasabing okasyon sa pamamagitan ng sama-samang panalangin at pagpapahid ng langis na pinangunahan ng Kalihim ng Distrito na si Kapatid na Abraham Lumawig.

Kaugnay pa rin sa anibersaryo ng kanilang Lokal ay nagsagawa sila ng “Socializing” upang mas lalo pang mapasigla at mapatatag ang pag-iibigang magkakapatid ng mga taga Cabidianan.

Napuno ng tawanan at hagikgikan ang lahat sa mga inihandang palaro na nilahukan ng mga Buklod, Kadiwa, Binhi at maging ang mga panauhin na kasalukuyang dino-doktrinahan at sinusubok ay hindi rin nagpahuli. Pagkatapos ng mga aktibidad ay sama-sama nilang pinagsaluhan sa may pampang ang mga pagkaing inihanda ng mga Maytungkulin.

Lubos-lubos ang pasasalamat ng mga kapatid sa Lokal ng Cabidianan sa mga biyayang patuloy na ipinagkakaloob sa kanila ng Panginoong Diyos, gayundin ay buo ang kanilang pangako na sila ay mananatiling masigla, matapat at lubos na magpapasakop sa Pamamahala ng INC.

“Mula sa mga maytungkulin at sa mga kapatid ay aming isusulong ang ikapagtatagumpay ng mga gawain sa aming lokal, magpapasakop sa Pamamahala at Ikararangal namin ang aming pagka-Iglesia Ni Cristo, saan man at kanino man” pahayag ni Kapatid na Truman Lumawig, isa sa mga nakadestinong manggagawa sa lokal.

Pagsapit naman ng araw ng linggo ay nagpadala ang kanilang Lokal ng mga kinatawan upang lumahok sa “Masterchef Cooking Competition” na isang pan-distritong aktibidad. Kung saan ipinamalas nila ang kanilang angking galing sa pagluluto ng iba’t-ibang putahe na kanila namang ipinatikim sa mga Hurado at mga tagapanood.

Natapos ang paligsahan sa pag-aanunsyo ng mga nagwagi sa patimpalak. Buong-buo pa rin ang galak na nadarama ng mga taga-Cabidianan dahil naiuwi ni Kapatid na Vilma Palingcod ang ikalawang pwesto sa nasabing aktibidad.