(Eagle News) — Nasermunan sa pagdinig ng senado ang ilang mga opisyal ng gobyerno matapos matuklasang hindi ginamit ng naturang mga ahensya ang pondo para sa mga programang tutulong sa mga apektado ng El Niño.
Sa consultation meeting ng Senate Committee on Finance, inamin ng Department of Agriculture (DA) na sa halos isang taon nang pananalasa ng El Niño, P30 million pa lang ang nailalabas para tulungan ang mga apektadong magsasaka.
“Bakit kailangan matamaan ng El Niño na kulang ang tulong ng national government at ng DA among other agencies in a province like North Cotabato when you have savings of 11.9? That 11.9 could have been utilized for water system, for seeds, for other crops, assistance to farmers. Bakit kayo tipid nang tipid e ang laki ng pondong hiningi n’yo sa’min na binigay namin ng 2016 at meron pa kayong pagkukunang ilang bilyon mula sa Office of the President sa (N) DRRM fund? That’s my point,” saad ni Senator Loren Legarda.
Lumitaw sa nabanggit na pagdinig na bagaman pinaglaanan ng pondo ang mga apektado ng pinsalang dulot ng El Niño, hindi ginamit ang naturang halaga dahilan kaya maraming magsasaka ang umalma kabilang na ang 6, 000 mga magsasaka na nag-rally sa kidapawan.
Bukod pa rito ang isang bilyong pisong People’s Survival Fund (PSF) na maaaring ilabas ng ahensya para ayudahan ang mga apektado ng tagtuyot lalo na sa Mindanao, partikular sa North Cotabato.
Depensa naman ng DA, kailangan muna na maiugnay sa kanilang regional office ang pagpapalabas ng Quick Response Fund (QRF) bago ito tuluyang maipalabas.
“For QRF po, I think, the province has already declared state of calamity. So that’s one of the, I think, one of the requisites for utilization of the QRF. But it is going to be in coordination with our regional office so we’ll conduct the processing of the request to our central office because the money, the fund is lodged in the central office,” pahayag ni DA Undersecretary Emerson Palad.
Samantala, ikinatuwiran naman ni National Disaster Risk Reduction Management Council Undersecretary Alexander Pama na hinihintay raw nila na lumapit at mag-request ang mga local government official dahil kailangan aniya munang dumaan sa proseso ang paglalabas ng budget dahil inaaprubahan pa ito sa Tanggapan ng Pangulo.
Nang hingan naman ng paliwanag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung ano ang naging tugon ng ahensiya sa rally ng mga magsasaka sa Kidapawan, inamin ng mga opisyal na mayroon silang relief goods subalit malayo anila ang lugar kaya hindi anila naabot ng kanilang foot soldiers.
Sa dulo, nagbigay ng commitment ang DA na magpapadala ngayong araw ng P16.15 million para sa buong Region 12 habang ang matitirang pondo ay gagamitin anila sa paghahanda laban sa La Niña.
Samantala, nilinaw naman ni Legarda na huwag na aniyang antayin pa ng mga ahensya ng gobyerno na sila pa ang lapitan kundi agad nang agapan ang sitwasyon at turuan ang mga mamamayan kung paano makatatanggap ng kanilang mga pangangailangan.
“We’re suppose to reach out, anticipate, teach them how to access. Hindi yung mag-aantay, kung hindi humingi, magutom kayo, hindi. Kaya nga alam natin, we have the information that’s why there’s planning. That’s why resources are being given,” pahayag ni Legarda.