PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Ipinanukala kamakailan sa sesyon ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na maisailalim ang ilang barangay sa Malampaya Sound, Taytay sa “state of calamity.”
Inihain ni Board Member Roseller Pineda ang resolusyon noong ika-7 ng Agosto, Lunes.
Aniya, mula walo hanggang sampu sa mga barangay ng Malampaya Sound ang apektado pa ng red tide.
Ayon sa Palawan Agriculture Office, hindi pa nila tiyak kung kailan mawawala ang red tide advisory dahil sa ngayon ay may mga nakakalalason pang organismo ang ilan sa kanilang mga sinusuring shellfish.
Ayon kay Pineda, apektado na ang ikinabubuhay ng mga mamamayan sa mga barangay na ito, kung kaya’t kinakailangan nang maglabas ng pondo ang pamahalaan upang matulungan sila.
Rox Montallana – Eagle News Correspondent, Palawan