(Eagle News) — Hindi pa man nakakarekober sa mga pagbaha ang lalawigan ng Bataan muli na namang nakararanas ng mga pagbaha ang ilang barangay sa bayan ng Mariveles, Bataan dahil sa mga pag-ulan.
Nakararanas ngayon ng mula isa hanggang tatlong talampakang tubig baha ang Brgy Ipag, Balon Anito, Sto.Domingo sa Brgy San Isidro at Barangay Camaya.
Binaha na rin at malakas ang agos ng tubig sa National Road ng AFAB at pinangangambahan na umapaw ang malaking ilog sa town proper ng Mariveles dulot na rin ng pagtaas ng tubig sa dagat o high tide.
Nagsuspinde na ng klase sa lahat ng antas sa bayan ng Mariveles na idiniklara mismo ni Mayor Atty. Ace Jello Concepcion at nag-abiso na rin ito sa lahat na mag-ingat at huwag ng mag-atubiling lumikas at magpunta sa mga evacuation center kong kinakailangan. Muli rin nitong inalerto ang PNP at MDRRMO at lahat ng ahensya na may kinalaman sa disaster preparedness para sa agarang pagrescue sa mga apektadong barangay.
Nakararanas naman ng makulimlim hanggang pag-ambon ang ilang bayan sa Bataan at nananatiling walang pasok sa mga paaralan ang bayan ng Dinalupihan dahil pa rin sa clearing operation o flushing sa mga kalsada at paaralan. (Photos and details by Larry Biscocho, Marivelle Sangalang)