Ni Erwin Temperante
Eagle News Service
(Eagle News) — Sa video na kuha ng asset ng Presidential Anti-Corruption Commission makikitang abala sa pagbibilang ng limpak-limpak na pera ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways-Pasig na sinasabing kick back para sa steel parking project ng naturang lungsod.
Ito ang ibinunyag ng PACC sa harap ng media at ni DPWH Sec. Mark Villar nitong Miyerkules kung saan sangkot sa kurapsyon ang ilang opisyal ng Pasig DPWH sa pangunguna aniya ng district engineer nito.
Ayon sa PACC, binibilang ng isang Vilma Gonzales, isang retiradong opisyal ng DPWH at isang Tess Orquia ang pera na kalaunan ipinag-utos na dalhin sa District Engineer.
Contractor, hinihingan ng P4-million para makuha ang steel parking project
Ayon sa PACC, humingi ng apat na milyong piso ang tauhan ng DPWH-Pasig sa contractor upang makuha ang steel parking project ng lungsod na nagkakahalaga ng 70 million pesos.
Ang hindi alam ng mga opisyal ng DPWH-Pasig nakipagugnayan na sa PACC ang contractor na hiningan ng Php 4 million.
Nakuhang ebidensya ng PACC, ipinagpasalamat ni DPWH Sec. Villar
Aminado naman si DPWH Sec. Mark Villar na nakakarinig na siya ng mga alegasyon sa usapin ng kurapsiyon.
Kaya naman ipinagpapasalamat ng kalihim ang nakuhang ebidensiya ng PACC na isang mabigat na batayan upang sampahan ng kaukulang kaso ang mga tauhan nito sa kagawaran.
Mga opisyal ng DPWH-Pasig, isasailalim sa lifestyle check
Isasailalim sa life style check ang mga opsiyal ng DPWH-Pasig na kinilalang sina District Engineer Roberto Nicholas,Tess Prquia, Engineer Melody Dominguez, Engineer Luisito Ponancio at Vilma Gomez.
Nakahanda na rin ang reklamo ng PACC sa Ombudsman ng reklamong criminal na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-graft and Corrupt Practices Act.