TUPI, South Cotabato (Eagle News) – Pahirapan ngayon ang transportasyon ng mga residente sa Sitio Acfaon, Brgy. Bunao, Tupi, South Cotabato dahil sa matinding baha dulot ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Barangay Kagawad Arsad Landasan, mahigit sa 1,000 residente ang apektado ng kalamidad sa kanilang lugar.
Apektado din ang paglabas ng mga produkto ng mga negosyante dahil sa nasirang box culvert na nagsisilbing daanan sa mga motorista.
Sa nakalipas na linggo ay nabuwal din ang bahagi ng dike sa Barangay Panay, Sto. Niño.
Maliban pa ito sa gumuhong river bank dahil sa matinding baha dulot ng umapaw na tubig mula sa Allah river.
Sa ngayon ay nag-iikot ang mga nasa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council upang magbigay ayuda sa mga apektadong residente.
Jake Monteclaro – EBC Correspondent, South Cotabato