Ilang mga kalsada at tulay sa Romblon ang nasira dahil sa malakas na buhos ng ulan

ODIONGAN, Romblon (Eagle News) — Binaha ang mga bayan sa probinsya ng Romblon dahil sa halos limang oras na walang tigil na pag ulan ang naranasan dito noong gabi ng Biyernes, September 22.

Nalubog sa baha ang ilang barangay sa mga bayan ng Sta Maria, Alcantara, Odiongan at mga barangay sa bayan ng San Fernando, Magdiwang at Cajidiocan na nasa Isla ng Sibuyan, Romblon.

Nagresulta ito sa pagkasira ng tulay sa Barangay España sa bayan ng San Fernando, Romblon. Dahil sa pagkasira ng tulay ay hindi makadaan ang mga residente ng barangay Mabini at Mabulo patungo sa Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Ilang detour din ang nawasak ng baha sa lugar gaya ng sa Sitio Olango at Sitio Punong patungo sa town proper ng San Fernando.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap ang isang lalake na nawala sa kasagsagan ng malakas na ulan bandang alas-9 kagabi.

Nawawala ang isang lalaki na si Junel Romero Berlon na taga Barangay Jao-asan sa bayan ng Magdiwang Romblon. (Renand Pastor – Eagle News Correspondent)