Ni Richard Gadian
Eagle News Service
(Eagle News) – Pinarangalan ng Armed Forces Western Mindanao Command (WestMinCom) ang ilang tauhan ng Sulu Taskforce na nasugatan sa mga magkahiwalay na engkwentro sa probinsiya ng Sulu.
Mismong si WestMinCom commander Maj. Gen. Corleto Vinluan ang naggawad ng mga parangal sa loob ng Camp Navarro General Hospital sa kampo ng militar sa Upper Calarian, Zamboanga City.
Nakatanggap ng parangal sina Cpl. Jonathan Garsuta at Cpl. Romel Mendoza na kapwa miyembro ng 5th Scout Ranger Battalion na lumaban sa mga local terrorist group sa Barangay Kabbon Takas, Patikul, Sulu noong August 29. Nakatanggap din ng parangal si Private Greggy Tanggoy mula sa 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army. Si Tanggoy ay nagtamo ng mga sugat nitong nakaraang encounter ng 32nd Infantry Battalion sa local terrorist group sa Barangay Taung, Patikul, Sulu nitong July 31.
Ayon kay Vinluan, nagpapatuloy ang mga military operations sa lugar para tuluyang ma-neutralize ang mga nalalabi pang mga miyembro ng local terrorist group sa naturang lalawigan ng Sulu. Sinabi pa niyang ang kabayanihan at sakripisyo ng mga sundalo ang siyang inspirasyon at motibasyon para maabot ang kapayapaang minimithi ng mga nasa isla ng Sulu.
(Eagle News Service)