Iligal na pag-okupa ng Kadamay sa mga housing unit sa Bulacan, iimbestigahan ng Kongreso

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Iimbestigahan na rin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang iligal na pag-okupa ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa mga housing unit sa Pandi 3 Village sa Bulacan.

Sa panayam ng programang Feedback sa Radyo Agila, sinabi ni Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, na may ugnayan na sila ng counterpart sa Kamara para magsagawa ng joint investigation sa kaso na posibleng isagawa sa ikatlong linggo ng Abril.

Kasama aniya sa mga posibleng ipapatawag ang mga opisyal ng grupong Kadamay, National Housing Authority at mga may-ari ng mga housing units.

“Nag-uusap pa kami ng aking counterparts, gagawin naming 2nd at 3rd ng April dahil naka-recess pa ang mga staff ng joint hearing para isahan na lang,” pahayag ni Senador Ejercito.

Magpapatawag ang Senado at Kamara ng hearing sa ikalawang lingo ng Abril tungkol sa paglusob ng kadamay sa Housing Projects.

Inamin ni Ejercito na masyadong mabagal ang produksyon ng housing units para maabot ang backlog ng gobyerno na umaabot pa sa 5.5 million pero hindi aniya tamang angkinin ng mga mahihirap ang mga bakanteng housing projects.

“Alam naman natin na may kabagalan ang production ng housing units, 5.5 million ang backlog. We are only producing 200 – 300 thousand units per year,” dagdag ni Ejercito.

“Pero hindi pwedeng gawin sa ganitong paraan dahil may naka allocate na riyan, ginagawa naman ng pamahalan ang lahat para solusyunan ang porblema. Konting unawa sana,” pagpapatuloy pa nito.

Tinawag pa ng senador na “barbaric” ang aksyon ng mga miyembro ng Kadamay dahil hindi isina-alang alang ng mga ito ang karapatan ng mga tunay na benipisyaryo ng pabahay.

Iginiit ni Ejercito na hindi dapat humantong sa pangha-harass ang sitwasyon dahil may ginagawa namang hakbang ang gobyerno para mapabilis ang konstruksyon at mabigyan ng pabahay ang mahihirap lalo na ang mga nakatira sa itinuturing na disaster-prone areas.

 

 

Related Post

This website uses cookies.