(Eagle News) — Tone-toneladang posters na ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga tauhan ng Commision on Elections (Comelec) matapos ipatupad ang “Oplan Baklas”.
Ayon sa Comelec, nagsimula ang kanilang pagtatanggal ng mga ipinagbabawal na campaign materials bandang alas-12:00 ng hatinggabi, Marso 25.
Matatandaang una nang nag-abiso ang poll body na bawal ang anumang uri ng pangangampanya simula Huwebes, Marso 24 hanggang sa araw na ito, Marso 25.
Bagama’t ang sentro ng pagtatanggal ng posters ay para sa local candidates, isinama na rin ng mga nabanggit na ahensya sa mga binaklas ang illegal campaign materials ng national candidates.
Dadalhin na sa tambakan sa Mandaluyong City ang mga nabanggit na campaign materials.