VIGAN CITY, Dec. 3 (PIA) – Para sa mga Bigueno, parang ginto ang bawat sandali hanggang sa Disyembre 7 para mapabilang ang Vigan sa New7Wonders Cities of the World.
Naglaan ang pamahalaang probinsyal ng P1 milyon na inaprobahan ng Sangguniang Panlalawigan para sa kampanya para magamit sa text voting at maitaguyod ang Vigan sa naturang prestihiyosong kompetisyon.
Ayon kay Gob. Ryan Luis Singson, ang laban ng Vigan ay laban ng sambayanang Filipino.
Aniya, kung mapapabilang sa mga pitong bagong “Wonders Cities of the World” ang Vigan, uusbong din ang turismo at ekonomya ng Ilocos Sur at ng buong bansa.
Maliban sa provincial government, naglaan din si Congressman Ronald Singson ng P1 milyon para sa cell cards na magagamit sa text voting para masiguro ang panalo ng Heritage City.
Hiniling din ni Gov. Ryan sa mga Liga ng Gobernador at Alkalde sa buong Pilipinas kabilang na ang mga Ilocos Surians sa Amerika at iba pang panig ng bansa na tumulong sila sa kampanya para mapabilang ang Vigan sa Magic 7.
Sinabi ng gobernador na kung mananalo ang Vigan sa pandaigdigang kompetisyon, dadami pa ang mga dayuhan at lokal na negosyante na magtatayo ng industriya o planta sa lalawigan.
Sinabi ni Cong. Singson na malaki ang maitutulong ng turismo sa kaunlaran ng bansa dahil nalilikha ang maraming trabaho para malabanan ang kahirapan na adhikain ng UN “Millennium Development Goals “(MDGs).
Sinabi ng Kongresista na prayoridad niya ang paglago ng turismo sa lalawigan lalo na ang pag-develop sa mga tabi ng dagat tulad ng scuba diving, surfing, boat racing at beach volleyball para maraming mapuntahan ang mga turista maliban lamang sa Heritage City.
Bumuo na rin ang Vigan ng mga text brigade na kinabibilangan ng mga opisyal at empleyado ng city government, kabataan at estudyante bilang netizens at texters, Nongovernment Organization (NGO) volunteers at pati media para tumulong sa kampanya. (MCA/BPP/PIA-1 Ilocos Sur)