MANILA, Philippines (Eagle News) — Tinalakay ang implementasyon ng Association of Southeast Asian Nations Vision 2025 sa isinagawang plenary session ng 31st ASEAN Summit noong Lunes, Nobyembre 13.
Batay ito sa paunang impormasyon na inilabas ng gobyerno.
Ang ASEAN Vision 2025 ay pagpapatuloy ng mga inilatag na plano ng ASEAN regional bloc sa pagsisimula ng ASEAN integration na inilunsad noon pang 2015.
Ito ay konsolidasyon ng ASEAN Community Building na naglalayong mas lalo pang gawing politically cohesive, economically integrated at socially responsible ang buong rehiyon sa susunod na walong taon.
Layunin din ng ASEAN 2025 Vision na maipakita sa mga dialogue partners ng ASEAN at maging sa buong mundo na dedikado ang ASEAN, bilang isang grupo, na mamintina ang kanilang papel hinggil sa pagharap sa iba’t-ibang hamon na nakaapekto sa kapayapaan, seguridad at katatagan ng rehiyon.
Sa plenary session din ang pagpapalitan ng pananaw ng mga pinuno ng ASEAN hinggil sa iba’t-ibang regional at international issues gaya ng South China Sea dispute at tensiyon sa Korean peninsula.
Dito na paplantsahin ang mga magiging posiyon ng regional bloc sa iba’t-ibang usapin na may kaugnayan sa tatlong haligi ng ASEAN Community—ang political security, economic at socio-cultural.
Samantala, sa plenary session din isasagawa ang pagtatalaga ng panibagong Secretary General ng ASEAN.
Si Pangulong Rodrigo Duterte ang siyang tumayong chairman ng plenary session bilang host ng ASEAN Summit ngayong taon.
Muling nagsama-sama ang sampung lider ng ASEAN kahapon, Nobyembre 13, kasama si ASEAN Secretary General Le Loung Minh, sa plenaryo.
(Eagle News Service Neah Mangawang)