INC chapel sa bgy Hillside, tuloy na; claimants nangakong makikipagtulungan na sa Iglesia

(Eagle News) — Tuloy na ang pagpapatayo ng kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa Barangay Hillside, Baguio City matapos pagbigyan ng pamunuan ng INC ang kahilingan nina Danilo Blas, Roberto Guiao at ng mga kaanak nito na naghahabol sa lupang pagtatayuan ng kapilya ng INC sa brgy. Hillside baguio city na pagmamay-ari ng INC.

Ayon sa mga kinatawan ng INC, nagkapaliwanagan ang magkabilang panig at bumuo ng kasunduan.

Nangako na rin ang kampo ni Danila Blas na makikipagtulungan sa sa Iglesia at tutulong pa para matuloy na ang pagtatayo ng INC barangay chapel.

Sa katunayan, kusa nilang tatanggalin ang anumang istruktura na nakatirik sa nasabing lupang pag-aari ng Iglesia, at ililipat ang kanilang mga bahay sa lupang inilaan sa kanila ng INC.

Di nga magkamayaw sa pagpapasalamat si Blas at ang kanyang mga kaanak dahil sa ipinakitang kagandahang loob ng Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo sa kanila, matapos silang makausap ng mga kinatawan ng INC.

Bagamat lehitimong pag-aari na ng Iglesia Ni Cristo ang lupa, pumayag ang Pamamahala ng Iglesia na bigyan na lamang ng isang bahagi sa lupa ang mga claimant bilang konsiderasyon sa kanilang kapakanan.

Magugunitang ang lupa ay ipinagbili sa Iglesia ng pamilya ni Ricardo Tanghal. Pero kinuwestiyon ito ng kaniyang mga pamangkin sa pangunguna ni Blas na nagsasabing mayroon din silang karapatan sa lupa.

Sa panayam ng Eagle News kay Blas, inamin nga nito na ipinagkaloob sa Iglesia ang lupa ng kaniyang tiyuhin at mayroong “quit claim” ang kaniyang ina sa nasabing property. Inamin din ng kaniyang iba pang kamag-anak na ang Iglesia Ni Cristo nga ang siyang may karapatan sa lupa.

Pero para magkasundo at maging mapayapa ang sitwasyon, nagpasiya ang Pamamahala ng Iglesia na bigyan na lamang ang mga claimant ng isang bahagi sa lupa para makapamalagi silang nakatira sa nasabing lugar. Sila ay napagkalooban ng 230 square meters na sukat ng lote mula sa lupang nakapangalan sa INC.

Nagpasalamat sina Blas sa pang-unawang ibinigay sa kanila ng Pamamahala ng Iglesia.

Maging ang kanilang abugado na si Atty. Isagani Calderon ay nagpasalamat sa Iglesia sa pag-unawa sa kalagayan ng kanyang mga kliyente.

“Ang nangyari ngayon ay napakaganda sapagkat nagka-ayos nga ang magkabilang panig. Pumayag ang pamunuan ng Iglesia na i-grant na ang portion para sa pamilya Tanghal para maipatayo na rin yung portion para sa pagpapatayo ng kapilya,” sabi pa niya.

Sinabi pa niyang masayang-masaya sila dahil naayos nang mapayapa ang kasong ito na may limang taon na rin ang tagal. Sinabi niyang iuurong na nila ang kanilang claim sa lupain ng Iglesia upang magsimula na ng bagong buhay ang pamilya Tanghal sa lupang ipinagmagandang loob sa kanila ng Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.

Related Post

This website uses cookies.