URDANETA CITY, Pangasinan (Eagle News) – Mahigit 5,000 trabaho ang inialok sa mga taga-Urdaneta City at sa mga karatig bayan nito sa isinagawang Independence Day Mega Job Fair ngayong araw (June 12).
Ang aktibidad na ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay may kaugnayan sa selebrasyon ng kalayaan ng bansa na may temang “Pagbabagong Sama-samang Balikatin.”
Ayon kay Fresnaida A. Gundan, Head-Eastern Pangasinan Field Office ng DOLE-Region 1, may 20 overseas at 50 local recruitment agencies ang sumali sa nasabing aktibidad na isinagawa sa isang mall sa Urdaneta.
May 5,000 na nurses din na kailangan ang bansang Germany.
Ayon naman sa isang aplikante na si Sharmaine Kaye Gaerlan ng Villasis, nalaman niya ang aktibidad na ito sa mismong website ng DOLE.
Nagpapasalamat siya na may mga ganitong isinasagawa ang ahensya upang makahanap sila ng trabaho.
Nagbigay din ng tips ang Department of Trade and Industry (DTI) kung papano magsimula ng negosyo.
Ayon kay G. Peter O. Mangabat, DTI provincial director, nitong July 2017 ay magbubukas sila ng Negosyo Center sa Urdaneta City.
Rusell Failano – EBC Correspondent, Urdaneta City, Pangasinan