LUCENA — Naglunsad kahapon sa sablayan municipal building sa Sanggunian Ng Bayan Session Hall ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Lucena Branch ng public information campaign tungkol sa demonetization ng mga lumang pera o old banknotes, sa pangunguna ni BSP Lucena Branch director Attorney Tomas Carino, kasama sina Ms. Lanie Valdez at Marvic Ledesma na mga opisyales ng BSP Lucena Branch.
Nilinaw nila na ang mga lumang pera ay hindi na pwedeng gamitin na pambili kundi dapat na lang itong ipalit sa lahat ng mga bangko sa Pilipinas mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2016 lamang at wala na itong halaga sa 2017.
Sa mga bagong pera naman ay ipinaliwanag nila ang mga features nito o pagkakakilanlan para makaiwas sa mga pekeng pera. Ito rin ang isang dahilan kaya dapat ng palitan ang mga lumang pera.
At panghuling kanilang tinalakay ay ang Clean Note Policy o kung paano mapapanatiling malinis at hindi gusot ang mga perang papel para manatiling may halaga ang mga ito, dahil kapag ito ay may sira, may tape, may sulat, kupas, tinanggal ang securiy thread at marumi ay hindi na ito tatanggapin sa pamilihan.
Ang nasabing information campaign ay dinaluhan ng mga empleyado ng mga bangko, kooperatiba, sanlaan, mga heads ng munisipyo at mga barangay officials ng Sablayan, Occidental Mindoro.