Inilabas na report ni VP Robredo, binatikos sa Senado

By Meanne Corvera
Eagle News Service

Sen. Poe, kinastigo ang PNP sa paninisi sa media ukol sa maling report sa EJKs

MANILA, Philippines (Eagle News) — Kinastigo ni Senador Grace Poe ang Philippine National Police matapos na namang isisi sa media ang umanoy maling report sa mga kaso ng extra judicial killings.

Nauna nang naglabas ng datos si PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” Dela Rosa at iginiit na umaabot lang sa mahigit isanlibo at tatlong daan sa mga napatay ang maituturing na drug related cases taliwas sa mahigit pitong libo na umano’y iniuulat ng media.

Pero ayon kay Poe, hindi ang datos o maling report ang dapat tignan ng PNP.

 

Isyu, hindi dapat malihis – Sen. Poe

Hindi aniya dapat mailihis ang isyu dahil ang usapin pa rin sa pagbibigay ng katarungan para sa mga namatayan ang mahalaga.

Paalala ni Poe,  hindi dapat  malimutan ng PNP na kasama sa kanilang mandato ang pagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at hindi dapat payagan ang mga kaso ng karumal-dumal na pagpatay

 

Sen. Lacson sa PNP: Dapat magpaliwanag sa pagkakaroon ng misconception sa EJKs

Pero depensa ni Senador Panfilo Lacson, dapat maging accurate rin ang media sa paglalabas ng detalye ng war on drugs ng gobyerno para maiwasan ang misconception.

Kailangan aniyang maging malinaw na ang mahigit pitong libo katao na napatay sa ilalim ng Duterte Administration ay hindi biktima ng war on drugs.

Ito’y para hindi malagay sa balag ng alanganin ang kredibilidad ng pambansang pulisya.

 

Inilabas na report ni VP Robredo, binatikos sa Senado

Binatikos rin ni Lacson ang inilabas na report ni Vice President Leni Robredo sa United Nations na ang pitong libo (7,000) katao ay napatay sa pamamagitan ng summary execution gayong napatunayan sa imbestigasyon ng Senado na hindi state sponsored o hindi kagagawan ng gobyerno ang mga kaso ng pagpatay.

“Pinuna ko ang pahayag ni VP Robredo na pinagsama-sama ang 7,000 as of February 2017 na ito pinatay in summary execution, which I will not subscribe to. Dahil maliwanag naman hindi talaga summary execution. Paano mangyari summary execution lahat kung may namatay pa ngang pulis at AFP? I think 38 ang total na KIA (Killed in Action) at mahigit 80-85 ang WIA (Wounded in Action), pati ba naman yan isasama mong summary execution ang pagkapatay. Namatay na nga ang ating mga pulis?

Ako coming from law enforcement, coming from the PNP, gusto ko lang ituwid ang ganoong pananalita. And when you are reporting to an international body like the UN, dapat accurate ang datos mo,” pahayag ni Lacson.

PNP, idinipensa ni Sen. Lacson

Idinepensa pa ni Lacson ang PNP sa pagsasabing kung may nadawit man sa kanila sa mga kaso ng pagpatay, hindi ito kinukunsinti.

Katunayan, may mga opisyal at tauhan na aniya ng PNP ang nakasuhan at napakulong kabilang na ang grupo ni CIDG Region 8 Superintendent Marvin Marcos at mga sangkot sa pagdukot at pagpatay sa koreanong si Jee Ick Joo.