Ni Erwin Temperante
Eagle News Service
Suportado ng Integrated Bar of the Philippines ang pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.
Ayon sa inilabas na official statement ng grupo, wala silang nakikitang dahilan upang punahin ang ginawang ito ng pangulo.
Ang statement ay pirmado ng pamunuan ng IBP sa pangunguna ni Atty. Rosario Setias Reyes.
Ayon sa grupo, maliwanag ang isinasaad sa batas na may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magdeklara ng martial law lalo na kung ang kapakanan ng taong bayan ang nalalagay sa kapamahakan dahil sa rebelyon.
Ang ilang elemento ng rebelyon aniya ay ang paggamit ng dahas at paggamit ng armas.
Ito, ayon sa grupo, ang ginamit sa ilang lugar sa Marawi, kung saan kinubkob pa ng Maute group ang ilang gusali, kasama ang tanggapan ng pamahalaan.
Pakiusap lamang ng IBP na maging maingat ang mga kinauukulan sa pagpapatupad ng martial law.