(Eagle News) — Natabunan at tinangay ng pagguho ng lupa ang isang residente ng Barangay Bedbed, Mankayan, bunga ng malakas na ulan. Ang biktima ay kinilalang si Ginang Luvina Kidkid, Barangay Secretary ng Bedbed, Mankayan.
Ayon sa mga residente, sila ay nagkaroon ng Bayanihang paglilinis. Habang sila ay naglilinis sa kalsada bandang alas-onse ng umaga (11:00 AM) nitong Lunes, Agosto 13 ay naramdaman nila ang paggalaw ng isang sasakyan. iIto ay umpisa na pala ng pagguho ng lupa sa lugar na kanilang kinalalagyan kaya dali-dali silang tumakbo palayo sa lugar. Pagkatapos nito ay hindi na nila nakita ang kanilang sekretarya habang kumukuha ng attendance sa mga dumalo sa isinasagawa nilang bayanihang paglilinis nang mangyari ang pagguho. Ang ginang ay hinihinalang natabunan at natangay ng pagguho ng lupa.
Agad naman itong naiparating sa mga kinauukulan kaya nagpadala agad ng rescuer ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Mankayan.
Ang paghahanap ay pinangunahan ng mga miyembro ng Lepanto Mine Research and Retrieval Operation Team alinsunod sa kahilingan ng Alkalde ng Bayan ng Mankayan Risk Reduction and Management Council.
Subalit dahil sa walang tigil na pag-ulan ay pahirapan pa rin ang paghahanap sa biktima. (Eagle News Correspondents Benito Islao Jr., Charles Nidoy)