Isa pang bagyo, hahabol bago matapos ang 2017 – PAGASA

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — May isa pa umanong bagyo ang papasok sa bansa bago matapos ang taong ito.

Batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magiging bagyo ang namataan nilang namumuong sama ng panahon.

Inaasahan itong papasok sa Philippine area of Responsibility (PAR) sa katapusan ng Disyembre.

Ayon kay Ariel Rojas, PAGASA weather forecaster, inaasahan din itong magla-landfall sa mismong bagong taon o Enero 1.

Aniya, sa oras na pumasok ito ng PAR ay tatawagin siyang bagyong “Wilma.”

Ito na ang ika-dalawampu’t tatlong bagyo sa taong 2017.

May posibilidad din daw ito na dumaan sa mga lugar na dinaanan ng bagyong “Vinta” sa Mindanao.

Binigyang-diin naman ni Rojas na hindi nagkulang ang PAGASA sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa bagyong “Vinta” na nag-iwan ng mahigit dalawangdaang patay at maraming bilang ng mga nawawala.

Ilan daw sa nakikitang dahilan kung bakit daan-daang katao ang namatay bunsod ng bagyong “Vinta” ay ang kakulangan sa kahandaan sa kalamidad ng mga residente sa mga naapektuhang lugar.

Ayon pa kay Rojas ang National Disaster Risk Reduction and Management council (NDRRMC) ang direktang nakikipag-koordinasyon sa local government units at mga komunidad.

Ang PAGASA naman daw ang nagbibigay ng update ng bagyo sa NDRRMC.

(Eden Santos-Suarez, Eagle News Service)