PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Natagpuan na ang isa sa dalawang mangingisda na halos dalawang linggo ring nawala dahil sa masamang panahon nang sila ay pumalaot noong October 9.
Kinilala ang nasabing mangingisda na si Rolando Warisal, 65 taong gulang, residente ng Sta. Monica, Puerto Princesa City, samantalang patuloy pa ring hinahanap ang kasama nitong si Sammy Quinio.
Ayon kay Warisal, nagtungo sila sa Rasa Island sa bayan ng Narra upang doon mangisda. Ngunit dahil sa sama ng panahon at malalakas na alon ay hindi na sila nakabalik pa sa kanilang mga tahanan.
Natagpuan si Warisal ng kapwa mangingisda sa Sipangan, Negros Occidental na palutang-lutang sa laot at nanghihina na at ang bangka naman nito ay nakalubog na.
Sa pamamagitan ng Facebook ay ipinost ng isang Edmund Ligan ang larawan ng mangingisda para sa posibleng pagtukoy dito ng mga kamag-anakan o sinumang nakakakilala para maiparating sa pamilya nito na ligtas ang mangingisda. Nagbunga naman ng positibo ang aksyong ito sapagkat nakarating na sa pamilya nito ang kaniyang kalagayan at nakatakda ng iuwi sa kaniyang pamilya sa Puerto Princesa City.
Sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy kung nasaan na ang kasama nito na ayon kay Warisal ay naiwan sa Rasa island.
Anne Ramos – Eagle News Correspondent
(Photo courtesy of Edmund Ligan)