TUBA, Benguet (Eagle News) – Isa ang sugatan matapos tumaob ang isang oil tanker sa bulubunduking bahagi ng Marcos Highway, Poblacion, Tuba, Benguet nitong Huwebes.
Ayon kay Tuba Municipal Police Chief Inspector James Acod, paakyat sa matarik na zigzag road ang isang oil tanker na minamaneho ni Avelino Apidod nang biglang salpukin ng isang pasalubong na truck.
Sa lakas ng impact, napaatras at bumangga naman sa isang bus na nasa kanyang likuran ang oil tanker, hanggang sa tuluyan itong bumaliktad.
Agad isinugod sa ospital ang driver na nagtamo ng mga slight injury at agad rin na-discharge matapos ang mga pagsusuri ng mga doktor.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng nakabanggang truck na si Eugene Picardo, 40 taong gulang.
Naging madulas ang daan kaya kinakailangan namang linisin agad ang nagkalat na krudo sa kalsada dahil sa pagbaliktad ng oil tanker bago pinadaanan sa mga motorista.
Tumagal naman ng ilang oras bago naging maluwag ang daloy ng mga sasakyan dahil sa pangyayari.
Paalala muli ng otoridad na laging mag-ingat sa pagmamaneho para iwas aberya at aksidente sa mga paglalakbay.
(Eagle News Correspondent, Freddie Rulloda)