Isang empleyado ng BIR, huli sa pangingikil sa bayan ng Lingayen

Kopya ng litratong ipinakita ng NBI sa korte /Nora Dominguez/Eagle News

(Eagle News) — Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos na kikilan ang isang negosyante sa Brgy. Tonton sa bayan ng Lingayen.

Ayon kay Atty. Dante Bonoan, hepe ng National Bureau of Investigation sa Pangasinan, kasong direct bribery at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kakaharapin ng suspek na si Edgardo Taron, computer maintenance technologist 2 ng BIR Revenue District Office 4 na nakabase sa bayan ng Calasiao.

Ayon sa mga otoridad, lumalabas na dala-dala  ng suspek ang Letter of Authority ng BIR para sa biktima na si Marilou Santiago Malicdem.

Nakasaad sa sulat na maiimbestigahan ang nasabing negosyante dahil sa hindi umano pagbabayad ng buwis.

Humingi umano ang suspek ng P150,000 sa biktima kapalit ng kondisyon na maalis ang pangalan ng negosyante sa diumanong listahan ng mga delinquent taxpayer.

Batay sa reklamong tinanggap ng NBI kay Malicdem, nauna nang humingi ng P50,000 ang suspek subalit nagduda ang biktima dahil hindi siya inisyuhan ng resibo.

Sa pangalawang transaksyon hinuli na ang suspek sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng NBI Head Office at NBI Pangasinan na aktong tinatanggap ang karagdagang hinihingi nitong halaga sa biktima.

Nakadetine ngayon ang suspek sa NBI detention cell at nahaharap sa patong-patong na kaso.

Nagpaalala naman ang NBI sa publiko na huwag paloloko at agad na makipag-ugnayan sa mga otoridad sa mga kaduda-dudang transaksyon upang hindi paulit ulit na nangyayari.

(Eagle News Service Nora Dominguez)

Related Post

This website uses cookies.