LAMITAN CITY, BASILAN (Eagle News) – Naaresto ng mga awtoridad ang isang miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa Lamitan City, Basilan.
Si Ismael Gampal, na nag-o-operate sa Basilan, ay naaresto ng mga operatiba ng 19th Special Forces Company ng 4th Special Forces Batallion kamakailan.
Narekober mula sa kaniya ang isang M16 rifle, ilang war materials, military backpack at uniforms.
Si Gampal ay dinala sa headquarters ng mga operatiba sa Brgy. Dangcalan, Lamitan City para sa kaukulang debriefing bago ito i-turn over sa Lamitan Police.
Ayon kay Col. Juvymax Uy ng Joint Task Force Basilan, naaresto si Gampal dahil sa impormasyong ibinigay ng mga nauna nang sumukong ASG members.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 262 bandidong Abu Sayyaf ang na-neutralize ng Joint Task Forces ng Western Mindanao.
Mula sa bilang na ito ay 97 na ang napatay, 67 ang nadakip at 98 naman ang sumuko sa militar.
Umaabot na rin sa kabuuang 151 armas na may iba’t ibang kalibre ang narekober ng tropa.
Nasa 131 dito ay high-powered at 20 ang low-powered.
Pinasalamatan naman ni Gen. Carlito G. Galvez, Jr., Commander ng Western Mindanao Command, ang suportang ibinibigay ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Basilan sa laban ng gobyerno na sugpuin ang teroristang grupo.
Christine Garcia – Eagle News Correspondent, Lamitan City, Basilan