PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Arestado ang isang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na umano’y tulak ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, kamakailan.
Kinilala ang naarestong suspek na si Jumahadi Royahmad Daral, 37 taong gulang, residente sa Lion Kilat, Barangay Santiago sa nasabing lungsod.
Ayon sa Philippine National Police, si Jumahadi ay aktibong miyembro ng CAFGU na kasalukuyang naka-assign sa 5th Infantry Battalion na nakabase sa Upper Nilo sa bayan ng Tigbao.
Mahigit dalawang buwan na umanong tulak ng shabu ang suspek sa siyudad.
Kinukuha umano nito ang droga sa kaniyang kaibigan na residente ng Muricay, Pagadian City.
Isang pulis na sakop ng Provincial Drug Enforcement Unit ang nagpanggap na poseur-buyer gamit ang Php 500 bill na marked moneym at nakigpagkita sa suspek sa may Alano St., Barangay San Francisco.
Sakay umano ng motorsiklo ang suspek nang dumating sa lugar.
Nang magkapalitan na ng droga at ng marked money, agad nagbigay ng hudyat ang poseur-buyer sa mga kasamahang pulis at mabilis na inaresto ang suspek.
Nakuha sa possession ng suspek ang tatlong pakete ng syabu at Php 500 bill na marked money.
Kabilang sa nakuha mula sa suspek ang kanyang ID na nagpapatunay na miyembro siya ng CAFGU.
Aminado naman ang suspek na kaniya ang nakuhang shabu at gumagamit nga din umano siya nito.
Napasok umano siya sa iligal na gawain dahil sa kaniyang kaibigan na siyang pinagkukunan niya ng iligal na droga.
Nakakulong na ang suspek sa drug enforcement unit lock-up cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ferdinand Libor, Eagle News Correspondent, Pagadian City