Isang pulis ng Mabitac-PNP, nawawala

Ni Willson Palima
Eagle News Correpondent

MABITAC, Laguna (Eagle News) – Palaisipan ngayon sa mga otoridad ang hindi inaasahang naganap na pagkawala umano ng isang miyembro ng Mabitac-PNP sa isang lugar sa Siniloan noong Linggo, Enero 14 bandang 10:30 ng umaga.

Base sa ulat ni PSI Reymond Austria, hepe ng Mabitac-PNP, sinasabing hindi na nakabalik pa ang kanilang himpilan ang pulis na si P02 Jonathan Galang, tubong Caloocan City at kasalukuyang nakatalaga bilang miyembro ng Mabitac-PNP Intel Operatives.

Huling nakita si Galang sa Southern Homes Subdivision sa Siniloan matapos itong magtungo sa lugar kasama ang isa sa kaniyang kasamahang pulis na hindi pa ipinalalabas ang pagkakakilanlan.

Dahil dito, patuloy pa rin ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng kapulisan sa naganap na insidente kabilang ang walang humpay na panawagan at paghahanap ng kaniyang pamilya kung saan nawalan na din sila ng komunikasyon magmula ng mawala ang kanilang kaanak.

Dati umanong napatalaga bilang miyembro ng Intel Operatives si Galang sa Mabitac, Pagsanjan, Pila kabilang sa Provincial Anti-illegal Drugs Special Operation Task Force (PAIDSOTF), Provincial Public Safety Company (PPSC) at muling napabalik sa naturang himpilan may ilang buwan pa lamang ang nakakaraan.

Samantalang patuloy namang blangko ang mga otoridad sa pagkawala ni Galang habang nakikipag-ugnayan na din si PSIns. Austria sa kalapit bayan at lalawigan upang mabatid ang kinaroroonan ng nawawala niyang operatiba .

Humihingi naman ng tulong ang mga kaanak kung may impormasyon ay maaari lamang na magtungo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. (Eagle News Service)

 

Related Post

This website uses cookies.