(Eagle News) — Sa pag-aaral ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) isang wika sa buong mundo ang namamatay sa bawat dalawang taon.
Sa Pilipinas, may ilang wika ang itinuturing na rin na endangered o nanganganib na ring na mawala.
Lumabas sa pagsusuri ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na marami sa mga katutubong wika sa bansa ang hindi na halos ginagamit ng isang partikular na grupo.
Dumagat
Binanggit ni National Artist For Literature at Tagapangulo ng Komisyon na si Virgilio Almario na ilan sa mga wikang malapit nang mamatay ang karaniwang ginagamit ng mga katutubong Dumagat o Agta.
May mga hakbang na raw silang ginagawa para mapangalagaan ang mga endangered language sa Pilipinas.
Pangunahin na rito ang pagtuturo ng mga naturang wika sa mga bata upang maimulat sila sa kasanayan sa pagsasalita ng kanilang lenggwahe.
Bukod pa rito ang balak na pagtatatag ng tinatawag na language archive kung saan mapapangalagaan pa ang mga katutubong wika para makita at mapag-aralan ng susunod na henerasyon.
Naniniwala ang KWF na panahon na upang itaguyod ang paggamit ng mga wika sa pilipinas na maituturing na pamana ng lahi.
Kasunduan
Samantala, isang kasunduan ang nilagdaan ng KWF at ng Unibersidad ng Santo Tomas para sa pagtatatag ng kauna-unahang Sentro ng Salin.
Layunin nito na maisalin sa wikang Filipino ang lahat ng mga nilimbag na banyagang aklat at pag-aaral na magagamit sa mga paaralan.
Bahagi na rin ito ng kampanya ng KWF sa pagtataguyod at pagmamahal sa paggamit ng wikang pambansa.
Sa nasabi ring pasilidad ng UST sisimulang sanayin ang mga nagnanais na maging propesyunal na tagasalin o translator sa wikang Filipino. Jerold Tagbo