(Eagle News) — Kinilala ng pamahalaang lungsod ng Ormoc ang isinagawang Aid for Humanity or Lingap sa Mamamayan nitong Oktubre 29 ng Iglesia Ni Cristo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng isang “Plaque of Appreciation” nitong Martes, Nobyembre 7, sa pangasiwaan ng Iglesia Ni Cristo sa lokal ng Ormoc City.
Buong pusong nagpasalamat ang pamahalaang lunsod ng Ormoc sa mga kaanib ng INC sa napakalaking tulong sa pamamagitan ng Lingap sa Mamamayan na isinagawa sa Brgy. Milagro, Ormoc City, Leyte.
Ang nasabing plaque of appreciation ay nilagdaan ni Ormoc City Mayor Richard Gomez, at ng pangulo ng Ormoc City Chamber of Commerce and Industry, Inc., na si Ginoong Jude Abenoja.
Ang parangal ay may petsang Oktubre 29, 2017 na siyang petsa ng isinagawang Worldwide Lingap sa Mamamayan ng INC.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nasa 2,500 na tao ang nakatanggap ng “goodwill bags” na ang karamihan sa kanila ay biktima ng nakaraang malalakas na lindol.
Matatandaang niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang malaking bahagi ng Leyte at Tacloban City area noong Hulyo 6 at nakaranas din ng magkakasunod na aftershocks kung saan maraming mga gusali at mga daan ang nasira at napinsala. Mahigit isang buwan matapos ang 6.5 magnitude na pagyanig ay muling naramdaman ang 5.1 magnitude na lindol sa lugar.
(Eagle News Service, Kimberly Urboda)